Latest News

84-ANYOS NA LOLA, SINUNOG SA RITWAL… 11 KAMAG-ANAK KINASUHAN NG PARRICIDE

LABING ISANG hinihinalang miyembro ng isang kulto ang naharap ngayon sa kasong parricide matapos nilang ihagis sa apoy ang isang 84 anyos na lola para maalis ang mga kasalanan nito sa pamamagitan ng kanilang ritwal sa sa bayan ng Balingasag sa Misamis Oriental.

Ayon sa Balingasag Municipal Police Station mistulang eksena noong medieval age na sinunog sa talaksan ng nagliliyab na kahoy ang 84 anyos na babae.

Ayon sa imbestigasyon ng Balingasag police, 11 kamag-anak ni Teofila Camungay ang itinuturing na suspek sa krimeng nangyari noong nagdaang linggo sa Barangay Baliwagan.


Nabatid na apat sa mga suspek ay anak ng biktima, lima ay mga apo nito, habang isa ay live-in partner ng anak at kapatid nito.

Ayon kay Maj. Teodoro de Oro, kasapi ng isang pinaghihinalaang kulto ang mga suspek at biktima, at may kinalaman umano sa grupo ang pagsunog sa biktima.

“Sabi ng suspek, matindi daw ang kanilang pagtampo sa biktima dahil siya umano ang dahilan ng kanilang paghihirap sa buhay. Tutol rin ang biktima na kilalaning lider ng grupo ang isa sa kanyang mga apo,” ani De Oro.

Naaresto na ng mga awtoridad ang 7 suspek habang 4 pa ang hinahanap .


Sinasabing kahit sa loob ng selda sa police station, sumasayaw at may inuusal na hindi maintindihan na mga salita ang mga nahuling suspek. (VICTOR BALDEMOR)

Tags: Balingasag Municipal Police Station

You May Also Like

Most Read