INIHAYAG ni Mayor Honey Lacuna na matatapos na ngayong linggo ang pamamahagi ng Christmas food boxes para sa 700,000 pamilya sa Maynila.
Ang nasabing ’12 Days of Christmas’ gift-giving activity, kung saan personal na ipinamamahagi nina Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang mga nasabing food boxes na naglalaman ng noche buena items at tinawag na , “Paskong Manileno,’ ay nagsimula noong December 1, 2024.
Kasama nina Lacuna at Servo sa pamamahagi ng food boxes sa anim na distrito ng Maynila ang mga miyembro ng Asenso Manileño.
Ayon kay Lacuna, bagamat simple lamang ang laman ng mga food boxes, ito ay ang munting paraan ng city government upang iparamdam ang kanilang malasakit at pagmamahal sa mga residente ng Maynila.
SInabi ni Lacuna na sa pamamagitan ng food boxes na matatanggap ng bawat isang pamilya sa Maynila ay tiyak nang may pagsasaluhan ang lahat sa Pasko.
“Ito ay isang simpleng paraan ito ng pagpapakita ng pagmamahal, malasakit, at pagtulong sa kapwa, lalo na sa mga Batang Manileño. Sa bawat ngiti ng bawat pamilya, higit nating nararamdaman ang tunay na diwa ng Pasko—ang pagmamahal, pagpapatawad, at pagkakaisa. Sa Paskong Manileño, sama-sama nating ipinagdiriwang ang mga biyayang natamo at ang kahalagahan ng pagtulong at pagkalinga sa isa’t isa. Magpasalamat tayo sa Diyos sa mga biyayang tinamo,” saad ng alkalde.
Nabatid pa kay Lacuna na lahat ng pamilya sa Maynila ay makakatanggap ng food boxes kahit ano pa ang estadong kinabibilangan sa buhay.
Ayon pa sa alkalde, ang pamamahagi ng food boxes ay upant matiyak na walang magugutom sa araw ng Pasko.
Habang pinangungunahan nina Lacuna at Servo ang distribusyon na magtatapos ngayon Dec. 12, ang mga hindi nakakuha ng kanilang food boxes sa kung anumang kadahilanan ay maaring makuha pa rin ang kanilang food box sa barangay.