May 600 na bata ang pinasaya at tumanggap ng regalo sa ginanap na ‘Spooktacular Halloween Fest’ sa Manila Zoo nitong Martes, October 31.
Kasama ang kanyang mga staff at kawani ng Parks and Recreation Bureau, si Mayor Honey Lacuna mismo ay dumating na naka-costume bilang si ‘Snow White’ na labis na ikinatuwa ng mga bata, pati na ng kanilang mga magulang, na pawang sinamahan ng alkalde sa kanilang Halloween celebration. Ang nasabing event ay karaniwan nang ginaganap tuwing October 31, bisperas ng All Saints Day sa November 1, ang araw kung kailan ang mga Pilipino ay ginugunita ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Sa nasabing event na ginanap sa zoo, namigay si Lacuna ng iba’t-ibang papremyo, ‘treats’ at lootbags na naglalaman ng chocolates, candies, chips, biscuits at inumin para sa mga bata.
Ang mga batang tumanggap ng regalo ay yaong mga nag-rehistro sa nasabing selebrasyon na nasa edad 12 o pababa, na sinamahan ng kani-kanilang mga magulang habang suot ang kanilang pinakamagarang halloween costume.
Ang entrance rates sa Manila Zoo ay sumusunod: Adults and Children – P150 (Manila residents) and P300 (non-residents of Manila); Student – P100 (Manila residents) and P200 (non-residents of Manila)’Persons with Disability (PWDs) / Senior Citizens – 20% discount on prescribed fees; two years old and below – free; Government Employees or Teachers of Manila – P100.
Ang mga visitors na pasok sa special rates ay kinakailangang magprisinta ng valid ID sa pagpasok ng zoo.
Samantala, lumobo na ang bilang ng dami ng tao sa Manila North Cemetery at sa Manila South Cemetery kumpara noong October 31, bagama’t mababa pa rin ang bilang kumpara sa kaparehong panahon noong isang taon.
Ayon kay Director Yayay Castaneda, ang running total ng mga bumisita sa MNC, na siyang pinakamalaking sementeryo sa metropolis, ay nasa 850,000 hanggang 2 p.m. at inaasahan na tataas pa ito sa maghapon.
Sinabi ni Castaneda na ang mga bisita ay lumobo sa pagitan ng 9 a.m. at 12 noon, kung saan ang mga pumasok ay umabot sa 240,000 sa loob lamang ng isang oras at ito ay mula 10 a.m. hanggang 11 a.m.
Napag-alaman na walang naganap na ‘untoward incident’, habang sinusulat ang balitang ito at ayon pa kay Casnateda, ang paggunita sa Undas sa MNC ay mapayapa at maayos.