Latest News

Ang trak na naaktuhang nagtatapong ng mga basura sa Tondo.

TRAK NA PAGMAMAY-ARI NG TAGA-TONDO, NAHULING NAGTATAMBAK NG BASURA MULA SA IBANG LUGAR PATUNGONG MAYNILA

By: Jerry S. Tan

PINAPURIHAN ni Mayor Honey Lacuna ang Manila City Hall Task Force (MCHTF) dahil sa matagumpay nitong pagkakatimbog sa isang industrial truck na naaktuhang iligal na nagtatambak ng basura sa kahabaan ng Mel Lopez Boulevard sa Tondo, Maynila. kasabay ng panawagan sa mga residente na agad i-report ang mga ganitong gawain at kung maaari ay kunan ng larawan o i-video ang mga pananabotaheng ito sa koleksyon ng basura sa lungsod, upang magawan ng kaukulang aksyon.

Napag-alaman na ang Department of Public Services (DPS) ay nagpadala ng report sa MCHTF matapos makatanggap ng reklamo ukol sa iligal na pagtatapon ng napakaraming basura ng isang trak sa Tondo nitong Huwebes ng gabi, January 9, 2025.

Nakuhan ng video ang pagtatambak ng basura sa Barangay 105 mula sa isang trak na may plakang RJ- 899.


Batay sa report mula sa MCHTF, sinabi ni Lacuna na ang pagmamay-ari ng trak ay na-trace sa isang junk shop operator na residente ng Aroma Compound sa Brgy. 105 sa Tondo, at nangumpisal umano ito na dalawang lalaking empleyado niya na edad 60 at 24 ang gumamit ng kanyang trak sa nasabing araw at oras.

Ang trak ay agad na ini-impound sa Manila Traffic and Parking Bureau’s Central Impounding Station.

Ang dalawang empleyado ng may ari ng trak ay kinasuhan naman ng paglabag sa Republic Act 9003, o Ecological Solid Waste Management Act of 2000, sa Manila Prosecutor’s Office.

Tiniyak ni Lacuna na pinaigting ng pamahalaang-lungsod ang imbestigasyon at pagbabantay laban sa iba pang posibleng katulad na pangyayari sa iba pang bahagi ng Maynila o ang maaring pagkakasangkot ng malalaking grupo sa pagtatambak ng basura sa Maynila na galing sa ibang lugar na isang pananabotahe upang palabasing marumi ang Maynila o palpak ang kolekto ng basura.


Nananawagan si Lacuna sa publiko na agad ipaalam sa Manila City Hall anumang impormasyon o ebidensiya na maaring makatulong sa imbestigasyon. Maari ring kontakin ang Department of Public Services sa landline na 5310-1232.

Ikinalungkot ni Mayor Honey na sa kagustuhan siraan ang kanyang administrasyon at ang bagong kolektor ng basura o palabasing mas magaling ang dating kolektor ay isinasakripisyo naman ng mga nananabotahe ang kalusugan ng mismong mamamayang taga-Maynila.

“Nakakalungkot lang na dahil sa maruming pulitika, ni hindi na isinaalang-alang ang samang dulot sa kalusugan ng mga Manilenyo ng mga itinatambak na basura sa Maynila. ‘Wag naman sama puro pansariling interes lang,” dagdag pa nito.

Matatandaan na kinuha ng lungsod ang serbisyo ng dalawang bagong garbage contractors matapos na ang Leonel Waste Management na dating contractor ng basura at kinuha ng dating administrasyon, ay hindi sumama sa bidding sa dahilang ang mga may-ari lamang nito ang nakakaalam.


Bagamat hanggang katapusan pa ng December ang kanilang kontrata ay di na umano nangulekta ng basura ang Leonel sa mga huling araw ng 2024, na nagbunga ng pagtaas ng dami ng basura sa lungsod na umabot sa 400 percent.

Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read