NAGPAHAYAG ng pakikisimpatiya si Mayor Honey Lacuna sa may 500 pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa mga insidente ng sunog kamakailan sa Maynila, kasabay ng pamamahagi niya ng ayudang pinansyal para sa kanila.
Ang alkalde ay sinamahan ni Manila department of social welfare chief Re Fugoso sa pamamahagi ng tulong na P10,000 kada pamilyang nasunugan mula sa Districts 1 at 3, sa launing sila ay matulungan na makapagsimulang muli.
“Alam po namin na hindi sasapat ang tulong na ito, subalit hangad namin na makatulong kahit paano sa inyong muling pagbangon,” ani Lacuna sa kanyang maikling mensahe.
Napag-alaman kay Fugoso na ang cash aid bawat isa ay ibinigay sa mga pamilyang nasunugan mula sa Barangays 101, 275 at 310.
Ang mga tumanggap ng ayuda ay pawang mga biktima ng sunog na naganap noong January 28 at 31, 2024.
Samantala, muling nagpaalala si Lacuna sa mga taga-Naybuka ba na huwag mag-iiwan ng kandilang may sindi, gayundin ng mga stove na nakabukas habang nagluluto at cellphones at gadgets na naka-charge, dahil ang mga ito umani ang karaniwang pinagmumulan ng mga sunog.
Binigyang-diin pa nito na dapat gawing prayoridad ang pagliligtas ng buhay kesa mga ari-arian sa mga insidente ng sunog.














