Umabot na sa 500 mulla sa kabuuang 896 barangays sa lungsod ng Maynila, ang nasakop at napagsilbihan na ng lingguhang ‘Kalinga sa Maynila’ program ng administrasyon ni Mayor Honey Lacuna, kung saan sa ilalim ng naturang programa ay ibinababa ng Manila City Hall sa mga barangay mismo ang mga pangunahing libreng serbisyong ipinagkakaloob nito para sa mga Manilenyo, upang hindi na sila mahirapan o gumastos pa para magtungo sa mga tanggapan na kailangan nila ng tulong.
Sa kanyang ginawang pagdalo sa ‘MACHRA Balitaan’ news forum ng Manila City Hall Reporters’ Association, kasama si Vice Mayor Yul Servo, sinabi ni Lacuna na umaabot sa 2,000 residente ang direkta nilang napagsisilbihan sa bawat barangay na kanilang pinupuntahan linggo-linggo.
Personal na dumadalo si Lacuna sa pagdaraos ng bawat ‘Kalinga’ kasama si Servo at mga pinuno ng iba’t-ibang departmento, bureau at mga tanggapan ng Manila City Hall, upang direkta nilang matugunan ang anumang mga concerns, reklamo, suhestiyon at mga tulong na hinihingi ng mga mamamayan, partikular na ang mga senior citizens, persons with disability at solo parents.
Ayon kay Servo, partikular na pinadadalo at kasama ng alkalde sa programa ang mga pinuno mismo ng mga tanggapan gaya ng Manila Traffic and Parking Bureau, Department of Public Services-Manila, Department of Engineering and Public Works, Manila, Manila Barangay Bureau, Manila Civil Registry Office, City Legal Office, Manila Health Department, Manila Department of Social Welfare, Public Employment Service Office – City of Manila, Manila Office of Senior Citizens’ Affairs, Manila Veterinary Inspection Board at City Treasurer’s Office, gayundin si Manila Police District chief Gen. Arnold Thomas Ibay at kanyang mga station commanders.
Ipinag-utos rin ni Lacuna ang pagtatayo ng mga help desks sa labas ng venue ng programa, kung saan maaaring magtungo ang mga residente para sa kanilang partikular na pangangailangan o problema.
Kabilang naman sa mga serbisyong libreng ibinibigay sa mga residente ng programa ay medical consultation, basic medicines, deworming, rabies vaccination, civil registry, tricycle/parking registration, PWD/solo parent/senior citizen ID, clearing/flushing operations, water/electricity/building permit inquiries, notary services, police clearance, at trabaho.
Ayon pa kay Lacuna, ang ‘Kalinga sa Maynila” program ay naglalayong idirekta sa mga komunidad ang mga libreng pangunahing serbisyong ibinibigay ng pamahalaang-lungsod sa mga residente ng Maynila.
Sa ganitong paraan aniya ay makatitipid ang mga residente hindi lamang sa pamasahe kundi maging sa oras at pagod dahil di na sila kailangan pang magtungo sa Manila City Hall.














