Nagbigay ng tulong si Mayor Honey Lacuna, habang inaasistihan ni (kaliwa) Manila social welfare chief Re Fugoso at Vice Mayor Yul Servo (kanan), sa mga nasunugan ng bahay sa Port Area kamailan lamang, kabilang na ang isang lolang naka-wheelchair. (JERRY S. TAN)

375 PAMILYANG NASUNUGAN, TUMANGGAP NG AYUDA KAY MAYOR HONEY

By: Jerry S. Tan

DAAN-daang pamilyang biktima ng sunog kamakailan lamang sa Port Area, Manila ang tumanggap ng pinansiyal na tulong mula kay Mayor Honey Lacuna.

Muling nanawagan si Lacuna sa mga biktima ng sunog na unahing iligtas ang kanilang sariling buhay at gayundin ang kanilang mahal sa buhay sa halip na mga kagamitan dahil napapalitan ang mga ito pero ang buhay ay hindi.

Pinaalalahanan din ng alkalde ang mga residente na maging maingat sa mga bagay na maaring maging dahilan ng sunog tulad ng napabayaang appliances o nakasinding kandila.


“Walang may kagustuhan na tayo ay masunugan pero katulad ng lahat ng Pilipino, tayong mga Manilenyo ay babangon at babangon, anumang sakuna ang mangyari sa atin at ang inyong pamahalaan ay inyong kaagapay upang makabangon muli,” ani Lacuna.

“Pipilitin naming kayo ay matulungan pa sa mga susunod na araw,” dagdag pa nito.


Samantalay ay sinabi ni Manila department of social welfare chief Re Fugoso na may 375 pamilya at 14 unattached individuals ang tumanggap ng P10,000 bawat isa.

Ani Fugoso, ang nasabing halaga ay inaasahang makatulong sa mga naapektuhang pamilya para makapagsimulang muli kahit papaano.


Matatandaan na noong unang linggo ng Agosto ay may 60 kabahayan ang nilamon ng apoy sa Tamburong, Barangay 650, Port Area, Manila. Ang sunog ay tumagal ng limang oras bago naapula.
Sa ulat, nagsimula ang sunog dakong 4:57 p.m. sa bahay ng isang Diosa Aggabab. Umabot ng fourth alarm ang sunog at naideklarang fire-out ganap na 9:49 p.m. na.

Ang apoy ay mabilis na kumalat sa residential area kung saan ang mga bahay ay gawa sa light materials.

Walang iniulat na namatay o nasaktan at inaalam pa ng mga imbestigador ang dahilan ng nasabing sunog.

Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read