3 barangay tanods, na rumesponde, patay din sa pulis

By: Baby Cuevas

Tatlong barangay tanod, na rumesponde lang sa reklamo ng pambubugbog, ang patay nang paulanan ng bala ng isang lalaking dumaranas ng depresyon sa Rizal nitong Sabado, habang patay rin naman ang suspek nang manlaban sa mga umaarestong pulis.

Dead on the spot ang mga biktimang sina Romeo Cortez, Roberto Donor at Ronnie Gonzales, pawang barangay tanod, na miyembro ng Barangay Peacekeeping and Safety Officer (BPSO) ng Barangay San Juan, sa Cainta, dahil sa tinamong mga tama ng bala sa likod at dibdib.


Samantala, napatay rin ng mga pulis ang suspek na si James Jazmines, nang manlaban habang inaaresto ito.

Batay sa ulat ng Cainta Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-4:30 ng hapon ng Sabado nang maganap ang krimen sa Myrtle St., Greenland Subdivision, na nasa boundary ng Barangay Sta. Ana, Taytay, at Brgy. San Juan, Cainta, Rizal.

Ayon sa pulisya, binugbog ng suspek ang isang residente sa lugar, kaya nagsumbong ang mga kapitbahay sa mga barangay tanod.


Mabilis namang rumesponde sa bahay ng suspek ang mga barangay tanod, upang imbitahan ang suspek sa barangay, ngunit pagdating doon ay kaagad na umano silang pinagbabaril ng suspek na agaran nilang ikinasawi.

“Itong barangay, invite lang sana siya, ngayon pagdating nila sa bahay ng suspect pinaputukan kaagad sila, so tatlo agad yung patay na mga tanod and then yung suspect lumabas pa at talagang gustong mamaril,” ani Cainta police officer-in-charge (OIC) PMaj. Jake Cariño, sa panayam.


Pagdating ng mga rumespondeng pulis sa crime scene ay wala nang buhay ang mga biktima na habang nagtatago naman sa loob ng kanyang bahay ang suspek.

Nakipag-negosasyon sa kanya ang mga pulis para sumuko ang suspek ngunit inabot na ng anim na oras ay hindi pa rin ito lumalabas ng bahay.


Ani Cariño, ginawa nila ang lahat ng opsiyon upang pasukuin ang suspek, ngunit nang patuloy na magmatigas ang suspek ay pinasok na ito ng assault team ng SWAT.

Pagpasok pa lang umano ng mga pulis ay kaagad na rin silang pinaputukan ng suspek kaya’t tinaman sa pisngi ang isang miyembro ng SWAT team.

Napilitan na ring gumanti ng putok ang mga pulis at napatay ang suspek, na nagtamo ng tama ng bala sa dibdib.



“Kasi may salamin doon sa baba so nakita ng suspect yung pagpasok nila kaya pinaputukan sila so buti na lang may gamit na shield kaya may proteksyon ang SWAT natin,” ani Cariño.

Nabatid na wala namang criminal record ang suspek at base sa pakikipag-usap nila sa anak nito, nakaranas lamang umano ito ng depresyon matapos magkaproblema sa trabaho at pamilya.

Tags: Cainta Municipal Police Station

You May Also Like