Umarangkada na sa lungsod ng Maynila ang bakunahan para sa second booster shot kontra COVID-19 para sa general population, kasunod na rin ito nang paglalabas ng Department of Health (DOH) nitong Martes ng guidelines para sa nasabing aktibidad.
Ayon kay Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna, inanunsiyo ng alkalde ang pagsisimulat ng rollout ng COVID-19 booster shots sa lungsod sa regular na pagdaraos ng ‘Kalinga sa Maynila’ sa Barangay 328, Sta. Cruz, Manila nitong Miyerkules.
Sinabi ni Abante na ang maaaring pagkalooban ng second booster shots ay general population na nasa 18-anyos pataas, gayundin ang mga buntis, nagpapasusong mga ina o lactating women at immunocompromised individuals.
Alinsunod sa guidelines ng DOH, maaari nang magpaturok ng kanilang ikalawang booster shot, anim na buwan pagkatapos ng kanilang unang booster.
Ani Lacuna, ang 2nd booster shot ng COVID-19 vaccines ay available sa lahat ng 44 health centers sa lungsod mula Lunes hanggang Biyernes, simula alas- 8:00 ng umaga hanggang alas- 4:00 ng hapon.
Ipamamahagi ito sa pangunguna ng Manila Health Department (MHD) na pinamumunuan ni Dr. Poks Pangan at upang makapag-avail ng second booster shots ay kinakailangan lamang na dalhin ang QR code mula sa inyong rehistro sa manilacovid19vaccine.ph.
Kaugnay nito, hinihikayat naman ng pamahalaan- lungsod ang mga nais magpabakuna na magsama pa ng barkada o kaibigan na magpapaturok ng 2nd booster shot dahil kailangan ang anim na tao para buksan ang isang vial ng vaccine at upang hindi ito masayang lamang.
Ang mga bakuna mula sa Pfizer, Moderna at AstraZeneca ang siyang gagamitin para sa 2nd booster shots, batay sa pahayag ng DOH.














