Hindi bababa sa 2,500 job vacancies ang inialok ng Manila City Government sa mga Manilenyo sa idinaos na ‘Kalinga ng Maynila Peso Job Fair’ sa Pandacan nitong Miyerkules ng umaga.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, ang employment opportunities ay inialok nila sa high school graduates, college level, college at tech/voc graduates.
Ang job fair ay pinangunahan ng Public Employment Service Office – City of Manila, sa ilalim ng pamumuno ni Fernan Bermejo, sa koordinasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) – National Capital Region at DOLE NCR Manila Field Office.
Kaugnay nito, binati naman ng alkalde ang mga aplikante na na-hired on the spot.
Tiniyak rin ni Lacuna na patuloy ang pagdaraos ng city government ng job fairs sa kanilang ‘Kalinga sa Maynila’ na isinasagawa sa iba’t- ibang barangay ng lungsod tuwing araw ng Miyerkules.
Sa nasabing aktibidad, isinasama ng alkalde ang lahat ng pinuno ng iba’t-ibang tanggapan sa city hall, upang hindi na kailanganin pa ng mga residente na magtungo sa city hall kung may kailangan silang tulong.
Kabilang sa mga serbisyong hatid ng city government sa Kalinga ng Maynila ay medical consultation, basic medicines, deworming, rabies vaccination, civil registry, tricycle/parking registration, PWD, solo parent and senior citizen IDs, clearing/flushing operations, water/electricity/building permit inquiries, notary services, police clearance at marami pang iba.
Regular na kinakatawan ang mga sumusunod na tanggapan ng Manila City Hall sa bawat ‘Kalinga’ upang sagutin ang mga katanungan o paghingi ng tulong ng mga residente:MTPB – Manila Traffic and Parking Bureau;Department of Public Services-Manila;Department of Engineering and Public Works, Manila;Manila Police District;Manila Barangay Bureau; Manila Civil Registry Office; City Legal Office, Manila; Manila Health Department; Manila Department of Social Welfare; Public Employment Service Office – City of Manila; Manila OSCA; Manila Veterinary Inspection Board at City Treasurer’s Office Manila.
Sa labas ng bawat pinaggaganapan ng ‘Kalinga’ ay may mga stalls naman ang mga nasabing departamento kung saan maari ring humingi ng tulong ang mga residente.














