Umaabot sa 1,000 barangay health workers at solo parents ang inabutan ni Manila Mayor Honey Lacuna, kasama sina Vice Mayor Yul Servo at anak ni Senator Grace Poe at chief of staff Brian Poe Llamanzares ng Assistance to Individuals in Crisis (AICS) mula sa tanggapan ng Senadora.
Ani Lacuna, ito ay bilang pagkilala sa paglilingkod bilang barangay health workers na nagsilbing frontliners noong panahon ng pandemic.
Ang pamamahagi ng tulong ay ginanap sa San Andres Sports Complex kung saan si Manila social welfare chief Re Fugoso mismo ang umalalay pati na ang mga kinatawan mula sa tanggapan Senator Poe at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa nasabing okasyon ay nagpahayag si Lacuna ng lubos na pasasalamat kay Senator Poe sa pagpapadala ng kanyang anak mismo bilang kinatawan niya at sa muling pagsama sa Maynila sa AICS beneficiaries nito.
“Alam nyo, napakaswerte ng Maynila dahil madaming taong tumutulong sa atin, alam nila ang pangangailangan ng bawat isang Manilenyo. Lahat kami ay instumento lamang.. lahat kami ay nagtutulong-tulong,” ani Lacuna.
“Kayo po ang napili dahil kayo ang karapat-dapat,” dagdag pa ng alkalde, na nagsabing ang mga naabutan ng tulong ay kinabibilangan din ng solo parents mula sa unang distrito ng Tondo.
Pinuri ni Lacuna ang dedikasyon at tapang na ipinakita ng mga barangay health workers noong panahon ng pandemya na aniya ay nagtrabaho, sa kabila ng panganib na kanilang hinaharap sa pagganap sa tungkulin, gayundin ang mga solo parents dahil sa kanilang lakas at tatag sa pagpapalaki ng kanilang anak kahit walang katuwang.
“Kahit anong tulong ay malaking tulong kaya kailangan nating magpasalamat nang bonggang-bongga sa mga tumutulong sa atin,” pahayag ng alkalde at matapos niyan ay pangunahan niya mismo ang mga naroroon para sabay-sabay na maghayag ng pasasalamat sa Senadora.
“In behalf of the 1,000 na matutulungan ngayon, nais kong ipaabot sa ating mabait na senadora ang taos-pusong pasalamat ng Maynila at bawat isang Manilenyo,” pahayag naman ng alkalde kay Llamanzares, na nagpasalamat naman kina Lacuna at Servo.
Aniya, kung wala ang tulong ng kanilang tanggapan, ang tanggapan ng Senadora ay hindi makapagbibigay ng tulong sa mga napiling beneficiaries,
“As chairman of the “FPJ Panday Bayanihan,” ayon kay Llamanzares. “It is the continuing the legacy of my grandfather, Fernando Poe, Jr., who has always helped as many as possible during his lifetime,” ani Llamanzares na nagsabing ‘deserving’ ang lahat ng naroon para sa tulong na kanilang matatanggap.
Samantala ay pinapurihan din ni Servo ang mga barangay health workers at solo parents sa kanilang katatagan, kasabay ng pagpapasalamat kay Poe dahil lagi umano nitong isinasama ang Maynila sa kanyang mga programa.
Gununita ni Servo na tinutulungan umano ni FPJ ang mga residente kapag pumupunta ito ng Blumentritt sa third district.
Ang AICS ay isa sa mga social welfare services ng DSWD na nagbibigay ng medical assistance, burial, transportation, education, food, o financial assistance bilang support services o pangangailangan ng isang indibidwal o pamilya.














