PINARANGALAN ni Mayor Honey Lacuna ang mga punong barangay dahil sa kanilang malaking kontribusyon sa lungsod at kapakanan ng mga taga-Maynila.
Sa ginanap na “Awarding of Outstanding Barangay Officials” sa Manila City Hall, sinabi ni Lacuna, na sinamahan nina Vice Mayor Yul Servo, chief of staff Joshue Santiago at Liga ng mga Barangay President, at Councilor Lei Lacuna, na, “kayo ang nagsilbing pangunahing opisyal ng pamahalaan na madaling nalalapitan, natatakbuhan, napagtatanungan, at nahihingan ng tulong.”
Ayon kay Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Lacuna, 18 barangays ang tumanggap ng award, o tig-tatlo mula sa anim na distrito ng lungsod.
Idinagdag pa ni Abante na ang awardees, sa pangunguna ni Manila Chinatown Barangay Organization (MCBO) head at third district barangay chair Jeff Lau, ay ni-nominate ng kanilang sariling constituents base sa sumusunod na criteria: responsiveness at dependabilty; leadership at efficacy; exemplary conduct at ethical behavior; social impact at personal at social advocacy.
Sa pagdiriwang ng ‘Araw ng Maynila’, binigyang-pagkilala ng lungsod ang mga Manilenyo na may nagawang malaking kontribusyon sa lungsod at kabilang na rito ang mga barangay na katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng epektibong pamamahala, saad ni Lacuna.
“Magpa-hanggang ngayon, kayo pa rin ang sandigan ng ating mga kababayan. Di matatawaran ang ibinibigay ninyong panahon at atensyon para lamang maaksyunan ang bawat isasangguni ng inyong mga kapit-bahay. Kayo ang nagsisilbing katuwang namin sa pamahalaang lungsod sa paghahatid ng kalinga sa ating mga kapwa-Manilenyo,” anang alkalde.
“Ang barangay ang inaasahan na magpa-iral ng katarungan, kapayapaan, kaayusan, kalinisan at kalusugan ng buong nasasakupan. Sadyang napakalaki ng puso ninyo sa paglilingkod sa kapwa tao…Ibig kong batiin ang lahat ng pararangalan ngayong umaga bilang mga natatanging opisyal ng barangay sa Maynila. Lahat sana ng magaganda ninyong nagawa sa paghahatid ng serbisyo sa inyong mga kabarangay ay magsilbing inspirasyon sa iba pang mga naglilingkod sa barangayan. Maraming maraming salamat sa inyong tulong, suporta at kooperasyon,” dagdag pa nito.