By: Itchie G. Cabayan
NASAWI ang isang 15-anyos na binatilyo matapos pagsasaksakin ng kapwa niya teenager na kanyang kinompronta dahil umano sa pambabastos sa kanyang nobya sa Tondo, Maynila, nitong Lunes ng gabi, Pebrero 9.
Bagamat naisugod sa pagamutan ang biktimang Grade 10 student, ito ay nasawi rin kalaunan bunsod ng mga tinamong saksak sa tiyan.
Samantala, arestado naman ang suspek na 16-anyos at kasalukuyang nasa pangangalaga na ng pulisya.
Ayon sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-7 ng gabi nang maganap ang krimen sa likurang bahagi ng isang paaralan sa Baseco Compound, sa Tondo, kung saan kapwa nag-aaral ang biktima at suspect.
Batay sa kuha CCTV, nakita ang suspect na tila nag-aabang sa kalsada, hanggang sa lumabas ang biktima, kasama ang mga kaibigan.
Maya-maya ay nagkasuguran na at nagkaroon ng suntukan at sa gitna nito, nakunan sa isang cellphone video ang suspect na may hawak nang kutsilyo habang nakikipag-away.
Ilang sandali pa ay nakita naman ang biktima na hawak na ang kanyang duguang tiyan, habang naglalakad palayo kasama ang ilang kaibigan, hanggang sa ito ay manghina at tuluyang matumba sa kalsada.
Isinugod ito sa pagamutan ngunit nasawi rin kalaunan.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nag-ugat ang awayan matapos umanong dalawang ulit na ambaan ng sipa ng suspek ang 14-anyos na dalagitang nobya ng biktima nitong nakalipas na Sabado lamang.
Diumano, ikinagalit ito ng biktima kaya’t kinompronta nito ang suspect hanggang sa magkasundo silang magtuos na nauwi sa pananaksak.
Napag-alamang na-recover ng pulisya ang kutsilyong ginamit ng suspect sa pananaksak sa isang basurahan malapit sa kanyang tahanan.














