Kinansela na ng Philippine AirLines (PAL)ang apat nitong domestic flights mula at papuntang Butuan dahil sa pagsuspinde sa night flight operation ng Butuan Bancasi Airport.
Ayon kay PAL spokesperson Cielo Villaluna, kabilang sa mga kanselado ang PAL flight PR 2938/2939 Manila-Butuan-Manila at PR 2335/2336 Cebu-Butuan-Cebu dahil sa mga problema ng runway lighting sa Butuan Bancasi Airport.
Dagdag pa ni Villaluna, mahigpit na nakikipag-ugnayan ang PAL sa mga airport authority para sa mga updates ukol sa muling pagbubukas ng Butuan runway para sa operasyon sa gabi.
Dahil dito ay pinapayuhan ang mga pasaherong apektado ng kanselasyon na i-convert ang ticket nila sa Travel Credits na katumbas ng hindi nagamit na base fare ng ticket, kung saan may isang taon ang bisa nito mula sa petsa ng pag-isyu.
Maari din silang makipag-ugnayan para sa refund na walang babayarang penalty.